Kapitan ng barangay, at tumatakbong konsehal sa Abra, patay nang pagbabarilin

Kapwa patay ang isang kapitan ng barangay at isang tumatakbong konsehal matapos ang barilan sa gitna ng mainit na tensyon sa politika sa Brgy. Nagtupacan, Abra gabi ng Linggo.

Dead on arrival sa ospital sina Barangay Chairman Lou Salvador Claro at Sangguniang Bayan candidate Manzano Bersalona matapos pagbabarilin bandang alas-7:00 ng gabi, ayon sa ulat ng Abra Police sa Camp Crame.

Dating pulis si Claro na kasalukuyang kapitan ng barangay, habang si Bersalona ay tumatakbong konsehal sa ilalim ng isang partido politikal.

Sa paunang imbestigasyon, sinasabing umawat lamang si Claro sa alitan nina Bersalona at isang Rommel Apolinar sa gitna ng kampanya, nang bigla siyang itinulak ni Bersalona at binaril.

Kasunod nito, pinaputukan din si Bersalona ng hindi pa nakikilalang salarin.

Nabatid na mula sa magkalabang kampo sa politika ang dalawang biktima.

Mahigpit na mino-monitor ngayon ng Abra police ang galaw ng mga tagasuporta ng dalawang kampo upang maiwasan ang posibleng ganti at mas lalong kaguluhan.

Facebook Comments