Karagdagang humanitarian assistance and disaster response team, nakastandby na —AFP

Sa isinagawang pulong pambalitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na nakapag-deploy na ng 60 Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) teams ang ahensya mula sa Visayas at Eastern Mindanao Command.

Ang mga nasabing grupo ay rumesponde sa Davao Oriental at Cebu matapos yanigin ang mga ito ng malalakas na magnitude na mga lindol.

Ang mga grupong ito ay binubuo ng 664 personnel kasama ang mga officers, enlisted personnel, Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliaries at Reservists.

Ayon pa kay Col. Padilla, naka-standby na rin ang karagdagang 1,297 HADR teams para sa Unified Command and Major Services.

Sa ngayon, meron nang 36 land assets at 2 service assets ang nai-deploy ng ahensya sa lugar.

Habang nakaabang na rin sa posibleng deployment ang 688 na land assets, 104 service assets at 51 air assets.

Tiniyak naman ng AFP na na tuluy-tuloy lang ang kanilang pagbibigay suporta para sa kaligtasan ng mamamayan.

Facebook Comments