Karumal-dumal na Pagpatay sa Estudyante, Hustisya ang Panawagan ng Pamilya

2278

Cauayan City, Isabela- Emosyonal ang ina ng binatilyong karumal-dumal na pinatay noong sabado, October 3 sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang wala ng buhay na katawan ni Aize Rafael Dalupang, 18-anyos, isang estudyante at residente ng Purok 8, Brgy. San Fermin, Cauayan City.

Ayon sa ina ng biktima na si Gng. Rozelle Dalupang, kampante ito sa pag-alis ng kanyang anak dahil sa nagpaalam naman ito na pupunta sa isang birthday kasama ang kanyang mga tiyahin.

Hating-gabi na ng makauwi ang biktima sa kanilang tahanan subalit ilang minuto pa ang nakalipas ay muli itong lumabas ng kanilang bahay at nagpaalam naman sa kanyang isang kapatid.

Inihayag pa ng ina ng binatilyo ang sinapit ng kanyang anak na halos kita na ang laman ng ibang parte ng kanyang katawan gaya na lamang sa kamay ng biktima.

Giit ng ng ina, walang kaalitan ang kanyang anak maliban nalang sa naikwento nito na naghamon sa biktima ng suntukan subalit walang pisikal na nagawa ang paghahamon.

Inilarawan din ni Gng. Rozelle ang kanyang anak na punong-puno ng pangarap sa buhay at plano ang pagiging sundalo sa oras na magtapos ito ng senior high school subalit hindi na aniya ito matutupad dahil sa walang-awang pagpatay sa kanyang panganay na anak.




Nabatid na may 15 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at may hiwa sa batok nito.

Nananawagan naman ang ina ng binatilyong pinatay sa mga posibleng nakakita sa insidente gayundin ang suspek sa pagpatay dito na lumutang na at pagbayaran ang ginawa sa kanilang mahal sa buhay.

Nakatakda namang ihatid sa kanyang huling hantungan ang biktima sa lunes, October 12 na kasalukuyang nakaburol ngayon sa tahanan ng lola ng binatilyo sa Purok 7, Padilla, Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Facebook Comments