Kaso kay Pura Luka Vega dahil sa pagsasayaw ng “Ama Namin”, ibinasura ng korte

Ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 184 ang kaso laban sa drag artist na si Amadeus Fernando Pagente o mas kilala bilang Pura Luka Vega na inireklamo noon sa kontrobersiyal na pagtatanghal nito na gamit ang kantang “Ama Namin”.

Sa desisyon ni Presiding Judge Czarina Samonte-Villanueva, nakasaad na nabigo ang prosekusyon na patunayan na may nilabag na batas si Pagente nang gayahin nito si Hesukristo at sayawin ang kanta na ginagamit sa Misa.

Inireklamo si Pagente ng mga opisyal at miyembro ng Hijos del Nazareno ng paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.

Nakasaad din sa ruling na hindi naipakitang may hindi disente o imoral na eksena ang drag artist gaya ng pagiging sekswal.

Igjniit ng kampo ni Pura Luka na isang art ang kaniyang ginawa at layon din umano nitong maipakita kung paano makikihalubilo si Hesus sa LGBT community.

Aminado naman ang korte na maituturing ito na pambabastos at offensive kaya pinayuhan siya magkaroon ng simpatya sa komunidad lalo na sa panahon ngayon na madaling ma-access ninuman ang social media.

Noong 2023, ilang lugar sa bansa ang nagdeklara kay Pura Luka na persona non grata dahil sa kontrobersiyal na performance.

Facebook Comments