Kasabay ng pagbabalik eskwela, nagsagawa ng fogging operation ang hanay ng Municipal Health Office sa mga paaralan sa Mangaldan.
Ito ay para maiwasan ang sakit na dengue na posibleng makuha ng mga mag-aaral sa loob ng mga paaralan.
Maiiwasan rin na magkaroon ng pamugaran ang mga lamok na may dalang dengue.
Bukod sa mga silid-aralan, pinausukan rin ang mga opisina at mga bahagi na maaaring puntahan ng mga mag-aaral na posibleng pinamumugaran rin ng lamok.
Ilan sa mga nauna nang naisagawang fogging operation ay bahagi ng Mangaldan Central School, Gueguesangen Integrated School, Mangaldan Integrated School SPED Center, Tebag Elementary School, Embarcadero Elementary School, Nibaliw Elementary School, Buenlag Elementary School, Alitaya Elementary School at Dona Felisa Navarro Elementary School.
Target naman ng MHO na maikutan ang lahat ng paaralan sa bayan at patuloy na magsasagawa ng fogging operation depende sa iskedyul ng paaralan kung kailan ito maaaring isagawa.
Samantala, ayon sa datos ng MHO, nasa 64 bilang na ang naitatalang kaso ng dengue ngayong taon sa Mangaldan nitong Mayo 23 habang hinihintay pa ang updated data mula sa Provincial Health Office. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣