Kaso ng dengue sa QC, tumaas ng 91% mula Enero hanggang ngayong Oktubre, kumpara sa parehong period noong 2024

Lumobo na sa 8,729 ang kaso ng dengue sa Quezon City mula Enero hanggang October 7, 2025.

Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (QC ESU), mas mataas ito ng 91% kumpara sa kaso noong 2024 sa parehong panahon na mayroong 4,581 cases.

Pinakamaraming tinamaan ng nakamamatay na sakit ang mga batang 10 taong gulang pababa na may 4,235 cases.

Sumampa naman sa 30 ang naitalang nasawi kaugnay ng naturang sakit.

Muli namang nanawagan ang QC local government unit sa mga residente na panatilihing malinis ang kapaligiran, protektahan ang sarili sa kagat ng lamok, magsuot ng damit na may mahabang manggas at pantalon, palakasin ang resistensya ng katawan at magpakonsulta agad sa pinakamalapit na health center kung may sintomas ng dengue tulad ng lagnat, pananakit ng ulo at rashes.

Facebook Comments