Kaso ng mga batang tinatamaan ng tigdas, tumataas

Inanunsyo ng Quezon City Health Department na halos 200% nang mas mataas ang bilang ng mga batang tinatamaan ng tigdas ngayong unang dalawang buwan ng 2025 kumpara sa kaso noong nakalipas na taon.

Ito ang report na inilabas ngayon ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division o QCESD kasunod ng patuloy na pagdami ng mga batang tinatamaan ng measles o tigdas sa Lungsod ng Quezon.

Batay sa datos ng QCESD, 46 na ang naitatalang mayroong sakit na tigdas simula January 1 hanggang nitong February 24.

Sabi ng QCESD, kabuuang 171.59% na itong mas mataas kumpara sa naitala noong nakaraang taon, 2024.

Babala ng City Health Department, ang tigdas ay lubhang nakahahawa at maaaring maging delikado, lalo na sa mga bata.

Paliwanag ng City Health Department na libre anila ang bakuna sa lahat ng mga Health Center sa 142 mga barangay kaya’t ipabakuna na ang mga bata.

Sa ngayon ay kasado na ang outbreak response immunization team ng QCESD para magbahay-bahay, at magbakuna sa mga bata sa buong Lungsod.

Matatandaan na nitong nakalipas na buwan ng Enero ay una nang sinabi ni QCESD Chief Dr. Rolly Cruz na hindi pa maituturing na mayroong ‘outbreak’ ng tigdas sa QC dahil nasa magkakahiwalay na mga lugar naitala ang nagkakaroon ng tigdas.

 

Facebook Comments