
Pinaiimbestigahan ni Senator Raffy Tulfo sa Professional Regulation Commission (PRC) ang mga doctor na nasasangkot sa pagkamatay ng kanilang pasyente dahil sa maling pagsasagawa ng medical procedure.
Sa gitna ng budget hearing ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasita ni Tulfo ang kawalang aksyon ng PRC sa ilang kaso ng mga plastic surgeons na nireklamo matapos mamatay ang ilang pasyente dahil sabay-sabay na isinagawa ang medical procedure na ipinagbabawal sa medical field.
Tinukoy ni Tulfo ang isang sikat na celebrity plastic surgeon na namatayan ng pasyente noong 2017 at ngayong 2026 dahil sabay-sabay na ginawa ang surgery.
Sa kabila aniya kasi ng reklamo laban sa plastic surgeon na iyon ay hindi ito natanggal sa ginawang malpractice at hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring tumatanggap ng pasyente.
Sinita ni Tulfo na 2017 pa ang naunang kaso pero walang ginawang aksyon ang PRC dahil marami sa mga doctor at mga clinic ang umano’y nagbibigay ng lagay sa ahensya.
Tugon naman ni DOLE Secretary Francis Tolentino, agad niyang pupulungin ang PRC at ang board para bumuo ng team na magsasagawa ng imbestigasyon tungkol dito.
Pagaaralan naman ni PRC Chairperson Charito Zamora ang agarang pagiisyu ng cease and desist order laban sa inirereklamong doctor at clinic para mapasara na ito at hindi na makapag-perform ng medical procedures.










