
Makakalaya na mamayang hapon si Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao matapos ang dalawang araw na pagkakakulong sa Senado.
Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug, ngayong hapon na nakatakdang pakawalan ng Senate Sergeant at Arms si Lacanilao.
Alinsunod na rin ito sa utos ni Senate President Chiz Escudero na ikulong si Lacanilao ng hindi hihigit sa dalawang araw dahil bigong makapagpaliwanag sa show cause order partikular sa kung bakit hindi siya dapat mai-contempt sa ginanap na pagdinig tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nitong Lunes ay isinailalim na sa kustodiya ng Senate Sergent at Arms si Lacanilao makaraang magkusa itong iprisinta ang sarili matapos maisyuhan ng detention order.
Matatandang ipina-contempt ng Committee on Foreign Relations si Lacanilao sa pagdinig noong April 10 dahil sa sinasabing pagsisinungaling at pagiging evasive o pag-iwas nito na sagutin ang mga tanong sa ginawang pagdakip ng INTERPOL at ng International Criminal Court o ICC kay FPRRD.