KINUMPIRMA | Richard Santillan, dinukot at pinahirapan muna bago pinagbabaril – PAO Chief Acosta

Manila, Philippines – Kinumpirma ni Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta na dumulog sa kanila ang maybahay ni Richard Santillan, ang bodyguard ni dating Cong. Glenn Chong na sinasabing napatay ng mga pulis sa police operation sa Cainta, Rizal.

Ayon kay Acosta, may hinala ang maybahay ni Santillan na dinukot at pinahirapan muna si Richard bago ito pinagbabaril sa loob ng sasakyan kung saan aniya pinalabas na napatay ito sa lehitimong operasyon.

Sinabi ni Acosta na kinukuwestiyon din ni ginang Santillan ang hindi pagturn over sa kanya ng mga personal na gamit ng kanyang mister tulad ng cellphone,mga damit at maging ang suot nitong tsinelas nang mapatay.


Hindi rin aniya nabigyan si ginang Santillan ng kopya ng mga dokumento sa ginawang imbestigasyon ng pulisya.

Hiniling din ni Mrs. Santillan sa PAO na magsagawa ng panibagong autopsy sa labi ng kanyang asawa upang malaman nila ang katotohanan sa pagkamatay nito.

Kaugnay nito, sumulat na si Atty. Acosta kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde para humingi ng kopya ng mga dokumento at ang mga personal na kagamitan ni richard Santillan.

Magugunitang una nang iginiit ni Atty. Chong na may kinalaman sa kanyang expose’ sa dayaan sa halalan ang pagpatay sa kanyang bodyguard.

Facebook Comments