KMP, iginiit na dapat papanagutin si Sen. Villar at DPWH sa pagguho ng P1.2-B Cabagan-Sta. Maria Bridge

Mariing kinokondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang trahedyang dulot ng pagbagsak ng ₱1.2-B Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.

Sa isang pahayag, sinabi ng KMP na hindi simpleng aksidente kundi ito ay matibay na ebidensya ng malalang korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Naniniwala ang KMP na hindi dapat masentro ang imbestigasyon sa driver ng dump truck kundi ang mga makapangyarihang opisyal ng DPWH, contractor at mga nag-apruba ng proyekto.

Giit ng grupo, aabot sa ₱1.2-B ang pondong iginugol sa pagpapatayo ng tulay na sinimulan noong 2014 sa pamumuno ni dating DPWH Secretary Mark Villar.

Hindi umano papayag ang KMP na manahimik na lang si Senador Mark Villar sa isyung ito at nanawagan ng agarang masusing imbestigasyon para matukoy kung paano ginamit ang pondo sa proyekto.

Kukwestyonin ng KMP kung ilang porsiyento sa pondo ang aktuwal na napunta sa konstruksyon at magkano ang naibulsa ng mga opisyal kung walang bahid na korapsyon ang proyekto.

Facebook Comments