
Handang sumunod ang Malacañang sa kondisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na papayagan lamang ang pagbebenta ng ₱20 per kilo ng bigas ngayong araw, May 1.
Kasunod ito ng pahayag ni Comelec Chairman George Garcia na hindi sakop ang May 2 hanggang 12 ang kondisyon sa exemption sa pagbebenta ng murang bigas.
Ngayong araw ang pilot rollout ng Department of Agriculture (DA) ng ₱20 per kilo ng bigas sa Cebu na susundan sa buong Visayas region.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, maaaring bumili ng murang bigas ang kahit na sino, hindi lamang ang vulnerable sector, sa mga Kadiwa centers.
Pero sabi ni Castro, kung ano ang polisiya ng Comelec patungkol sa exemption na may kaugnayan sa halalan ay susundin ito ng ehekutibo.
Nauna nang sinabi ng Comelec na maaaring ituloy ang pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas pagkatapos ng eleksyon.









