Kongresista, umapela ng suporta para sa fundraising ng mga nawawalang Filipino seafarers sa karagatan ng Japan

60

Hinimok ni Marino Partylist Rep. Sandro Gonzalez ang publiko na suportahan ang fundraising na inorganisa ng mga kaanak ng 39 na mga Filipino seafarers na sakay ng lumubog na cargo ship na Gulf Livestock 1 sa Japan.

Ang barko ay may 43 crew members kung saan 39 dito ay mga Pilipino kasama ang kapitan , 2 ay Australian at 2 naman ay mula sa New Zealand.

Ang nasabing fundraising ay mapupunta para sa isasagawang private search sa mga nawawala pang Filipino seafarers.

Sa ngayon ay nakalikom na ang fundraising ng bansa ng $2,850 habang ang fundraising efforts naman sa Australia ay may $102,188 at sa New Zealand ay may nalikom nang $67,951.

Umaasa ang Kongresista na sa inisyatibong ito ay mahahanap na at makababalik nang ligtas ang mga kababayang seafarers.

Nauna rito ay sumulat na rin ang mambabatas sa Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na paigtingin pa ang paghahanap sa mga nawawalang Filipino seafarers.

Facebook Comments