Kontrobersyal na motovlogger na si Yanna, isinuko na ang kaniyang lisensya sa LTO

Isinuko na ng kontrobersyal na motovlogger na si Yanna ang kanyang driver’s license sa Land Transportation Office (LTO).

Ito ay kaugnay ng viral road rage incident sa Zambales na kanyang kinasasangkutan.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, personal na isinuko ni Yanna ang lisensya kay Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante kaninang umaga.

Una nang napatawan ng 90-day preventive suspension ang lisensya ng motovlogger.

Gayunman, hindi dinala ni Yanna sa LTO ang motorsiklo na kanyang ginamit noong nangyari ang insidente.

Batay sa LTO, ang motorsiklo ay hindi pala rehistrado sa ilalim ng pangalan ni Yanna, at sa halip ay pag-aari ng kaibigan.

Ipinadadala ng LTO sa may-ari ang motor sa susunod na pagdinig.

Matapos naman ang imbestigasyon, magpapasya na ang LTO partikular kung tuluyan na bang babawiin o hindi ang lisensya ni Yanna.

Facebook Comments