
Binigyan ng Korte Suprema ng 10 araw ang Commission on Elections (Comelec) para sagutin ang petisyong inihain ng ilang media organization.
Ito’y kaugnay sa bagong Joint Venture Agreement na pinasok ng Miru System Company Limited para sa darating na 2025 Midterm Election.
Ang nasabing kautusan ay matapos ang ginawang en-banc session ng Korte Suprema kung saan ang naghain ng petisyon ay ang Right to Know, Right Now Coalition, Center for Media Freedom and Responsibility, Philippine Press Institute, at iba pang independent journalists at hanay ng academics.
Giit ng mga petitioner, dapat ilabas ng Comelec ang mga dokumento kung sino ang bagong kumpanya na ka-joint venture ng Miru System Company Limited matapos umatras ang Filipino owned company partner nito na St. Timothy.
Iginiit ng grupo ang batas na nag-oobliga na dapat ay 60% na pag-aari ng isang kumpanya ay Filipino habang 40% lamang ang dayuhan.
Ang Miru System Company Limited ay pag-aari ng isang Korean firm na nanalo sa bidding para sa 2025 Midterm election.