Kredibilidad ni Anjo Yllana para humiling ng hair follicle test kay PBBM, kwinestyon ni Usec. Castro

Sinupalpal ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang aktor at dating Parañaque Vice Mayor na si Anjo Yllana, matapos nitong idamay sa kanyang mga banat sa social media si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang binabanatan si Senate President Vicente Sotto III.

Sa kaniyang vlog, iginiit ni Castro na walang basehan at walang kredibilidad ang mga pahayag ni Yllana, lalo na ang hamon nitong sumailalim sa hair follicle test ang pangulo, kaya walang dahilan para patulan pa siya.

Dagdag pa ni Castro, tila may nag-uudyok kay Yllana na manggulo sa social media, lalo na nang sabihing ibigay na ang natitirang tatlong taong termino kay Vice President Sara Duterte.

Ang pag-iingay aniya ni Yllana ay bahagi ng orchestrated effort ng kabilang kampo na umano’y nangangamba sa mga imbestigasyon ng gobyerno laban sa katiwalian.

Malinaw rin ang motibo na kung maaalis sa puwesto ang pangulo, mahihinto ang mga imbestigasyon sa mga mambabatas na kasalukuyang sinisilip sa anomalya at makaliligtas sila sa pananagutan at posibleng pagkakakulong.

Facebook Comments