Isa ang bayan ng Labrador sa mga kinokonsiderang lokasyon para sa pagtatayo ng nuclear power plant sa Pilipinas.
Sa isinagawang dayalogo nitong Sabado na pinangunahan ni Pangasinan 2nd District Congressman Mark Cojuangco at Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) Director Dr. Carlo Arcilla, ipinaliwanag sa mga residente ang kakayahan ng nuclear energy na makapag suplay ng mas murang kuryente kumpara sa kasalukuyang pinagkukunan.
Binigyang-diin ni Cong. Cojuangco ang matagal na niyang pagsusulong ng nuclear energy bilang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya na, ayon sa kanya, ay makatutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bayan, ng lalawigan, at ng buong bansa.
Ipinahayag naman ng alkalde ng Labrador ang kanyang suporta at pagiging bukas ng bayan sa posibilidad ng pagpapatayo ng naturang planta.
Bukod sa Labrador, kabilang din sa mga potensyal na site para sa nuclear plants ang mga lugar sa Jose Panganiban, Camarines Norte; Masbate; Palawan; Antique; Bulacan; at Batangas.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, hindi itatayo ang anumang nuclear plant sa lugar na tututulan ng mga residente.
Dagdag pa niya, handa ang pamahalaan na magbigay ng suporta sa mga pribadong sektor na nais mamuhunan sa pagtatayo ng nuclear power plants sa bansa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









