
Timbog sa isang entrapment operation ang isang lalaki na nagbebenta ng iligal na text blast device sa online platforms nitong March 27, 2025.
Kinilala ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang suspek bilang si alyas “Popoy,” 49 na taong gulang, at residente ng Paco, Manila.
Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ang operasyon matapos nilang matukoy ang isang Facebook account na nag-aalok ng SIM-based GSM blaster sa halagang ₱10,000 bawat isa.
Nang makipagkasundo ang undercover agent na bumili, agad na dinakip ang suspek.
Nakumpiska mula dito ang isang SIM-based GSM Blaster at isang SIM Box kung saan inamin ng suspek na nabili niya ang nasabing device sa isang dating security guard ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa halagang ₱5,000.
Mahaharap si Popoy sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Radio Control Act.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang sangkot sa bentahan ng mga ipinagbabawal na text blasting devices.