
Cauayan City – Arestado ang isang lalaki matapos itong mabisto ng mga awtoridad sa ilegal na pagbebenta ng baril at bala sa Brgy. San Fermin, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team, isang Entrapment Operation ang ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group Quirino kung saan positibong nabentahan ng suspek na si alyas “Benj”, 36-anyos, at residente ng Alfonso Lista, Ifugao ang awtoridad na nagpanggap na buyer ng baril at bala.
Nasamsam sa pag-iingat at kontrol ang suspek ang mga ebidensya kabilang na ang isang unit ng Caliber .45 Para-Ordnance na may serial number, isang unit ng Caliber 38 revolver na walang serial number, 7 piraso ng live ammunition para sa caliber 45, 5 piraso ng live ammunition para sa caliber 38, isang Caliber 9mm live ammunition, 2 piraso ng steel magazine para sa caliber 45, at isang holster para sa caliber 38.
Narekober din ng mga awtoridad ang buy-bust money na binubuo ng isang piraso ng genuine 1000 peso bill at 44 piraso ng pekeng 1000 peso bill, sling bag, cellphone, at sasakyan.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng CIDG Quirino ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Omnibus Election Code of the Philippines.