Lalaki patay sa pananaga sa bayan ng Libacao

30

Libacao, Aklan — Wala ng buhay, tadtad ng taga at may tama pa ng bala nang abutan ng mga otoridad ang isang 51 anyos na lalaki sa Brgy. Manica Libacao. Kinilala ang biktimang si Melvin Asiong isang magsasaka at residente ng Brgy. Loctuga Libacao. Sa panayam ng RMN News team kahapon kay PMAJ. Jose Marlon Murallo hepe ng Libacao PNP na nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa insidente pasado alas 11:00 noong Linggo ng gabi. Madaling araw na umano sila nakarating sa lugar dahil napakalayo ng nasabing barangay mula sa kanilang himpilan. Base umano sa isa sa kainuman ng biktima na pumunta sila sa isang lamay kung saan pumunta sa madilim na bahagi ng lugar si Asiong para umihi. Sinundan umano ito ng kanyang kasama ngunit nakarinig na ito na may tinataga sa pinuntahan ng biktima dahilan para hindi na ito tumuloy at nagtago nalang sa isang bahay. Nang tumahimik na ay nagsilabasan na ang ilang residente at nadatnan nalang na naliligo sa sariling dugo ang 51 anyos na biktima. Dagdag pa ng mga otoridad na pahirapan sa ngayon ang kanilang ginagawang imbestigasyon dahil walang sino mang residente ang gustong makipagtulungan sa kanila kahit na maraming bahay na ilang dipa lamang ang distansiya mula sa pinangyarihan ng krimen. Sa kabilang dako isang lalaki rin ang tinaman ng bala sa lugar sa magkapareho ring oras kung saan nagtamo si Rion Inggo 22 anyos residente ng Brgy. Rosal Libacao ng sugat sa kanang balikat. Sa paunang imbestigasyon, posibleng stray bullet ang tumama kay Inggo dahil sa salaysay umano nito ay nakatayo lamang siya sa labas ng lamay at may narinig na putok. Isa sa mga tinitingnang angulo sa krimen ay away pamilya ilang taon na ang nakakalipas. Sa ngayon patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagpaslang sa nasabing biktima.

Facebook Comments