Lalaking Nanggahasa Umano ng Binatilyo sa Cauayan City, Nakasuhan na

28

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kaso ang isang 48 taong gulang na lalaki na nanggahasa sa 14-anyos na binatilyo sa Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela kamakailan.

Ayon sa ulat ng pulisya, ika-9 ng Nobyembre taong kasalukuyan nang inimbitahan umano ng suspek na si Alberto Aquias ang biktima na itinago sa pangalang “Junjun” upang maglinis sa isang farm sa nabanggit na lugar.

Nag-inuman umano ang dalawa at nang sila’y malasing, dito na umano pinilit ng suspek ang biktima na makipagtalik sa kanya.


Nadatnan at nasaksihan mismo ng ina ng biktima ang ginawang panghahalay ng suspek na noo’y hinahanap ang anak.

Ayon naman sa pahayag ng biktima, hindi lamang umano ito ang unang beses na siya ay pagsamantalahan ng suspek dahil inabuso na umano siya noong November 7, 2021 sa pareho ring lugar.

Hindi raw nagsumbong ang biktima sa mga awtoridad at sa kanyang mga magulang dahil sa takot sa suspek.



Nahaharap ngayon ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa lock-up cell ng PNP Cauayan City sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law of 1997 in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Facebook Comments