Landbank, nakapagtala ng mahigit 1-M Digital Onboarding System account

Umabot sa 1,039,926 accounts sa Land Bank of the Philippines (Landbank) ang binuksan sa pamamagitan ng kanilang Digital Onboarding System (DOBs).

Sa nasabing bilang, 492,156 dito ay naitala mula Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon kung saan 11,972 accounts ay sa overseas Filipino.

Ayon kay Landbank President at CEO Cecilia Borromeo, tumaas ang demand sa kanilang online banking services bunsod ng COVID-19 pandemic.


Aniya, ang tagumpay na ito ay nagpapakita na niyayakap ng mga Pilipino ang pagpapabuti at inobasyong ipinapatupad para sa mas maginhawang banking experience.

Matatandaang inilunsad ang Lanbank DOBs noong 2019 na may layuning pasimplehin at pabilisin ang transaksyon sa banko.

Maliban dito, awtomatiko nang naka-enroll ang kliyente sa Landbank i-access para sa internet banking at mayroon ding Landbank mobile app para sa mas madaling banking transactions gamit ang kanilang smartphones at Landbank link.bizportal para sa pagbabayad ng bills.

Dahil dito, maaari nang i-update ng account holders ang kanilang information gamit ang nasabing system.

Binabalak na rin nila na gamitin ang makabagong teknolohiya para sa loan application at iba pang transaksyon.

Facebook Comments