Nagbabala ang Pozorrubio Municipal Engineering Office sa publiko ukol sa napapabalitang ilegal na online bentahan ng subdivided na lote sa bayan.
Ayon sa tanggapan, maaaring magdulot ng matinding aberya sa buyer ang lote na ilegal na ibinenta dahil kulang ito sa dokumento at hindi dumaan sa itinakdang proseso ng mga ahensya ng gobyerno.
Kapag nagkataon, mahihirapan umanong magtayo ng establisyimento ang buyer dahil kinakailangan dumaan sa land use reclassification ang lote at magkaroon ng lisensya upang legal na maibenta.
Pangunahing dokumento na dapat umanong isaalang-alang ng mga buyers ang License To Sell mula sa Department of Human Settlements and Urban Development na nangangahulugang dumaan sa tamang proseso ang pagbebenta ng lupa.
Apela ng tanggapan sa publiko na suriing mabuti ang mga dokumento na inilalahad ng seller partikular sa mga transaksyon online upang maiwasang ma-scam. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨