
Kinalampag ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan at mga awtoridad na tugisin at agad na arestuhin ang mga nasa likod ng paglaganap ng love scam.
Ang love scam dito sa Pilipinas ay napag-alaman na madalas na bumibiktima ng mga dayuhan sa mga online dating apps.
Kaugnay rito ay maghahain si Gatchalian ng resolusyon para masilip ng Senado ang bagong modus na Pilipino ang may gawa at bumibiktima sa mga dayuhan sa ibang bansa.
Bukod sa nakakahiya na kapwa Pilipino ang may gawa ay nababahala si Gatchalian na kapag nagpatuloy ito ay posibleng makaapekto ito sa oportunidad sa trabaho ng mga OFW sa ibang bansa sa hinaharap.
Pinakikilos ng mambabatas ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na makipagtulungan sa mga law enforcement agencies ng ibang bansa para tuluyang masawata ang ganitong criminal activities sa Pilipinas.