Patuloy na isinusulong ng Barangay Bonuan Binloc ang mga programang pangkalusugan para sa mga residente sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa mga kinakailangang gamot at bitamina.
Kabilang sa mga pangunahing benepisyaryo ng programa ang mga residenteng may hypertension, partikular ang mga senior citizen na nangangailangan ng maintenance medication.
May nakalaan din umanong pondo para sa mga gamot para sa karaniwang karamdaman at mga bitamina para sa mga bata.
Layunin ng programa na gawing mas madaling ma-access ng mga residente ang mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan at makatulong sa pagpapanatili ng kanilang kalusugan at kapakanan.
Ayon sa pamunuan ng barangay, sinisikap nilang mapanatili ang sapat na suplay at regular na imbentaryo ng mga gamot upang matiyak na may maipagkakaloob sa mga residenteng higit na nangangailangan.
Samantala, nagpapatuloy rin ang iba pang libreng serbisyo sa barangay na pakikinabangan ng mga residente partikular sa usaping pangkalusugan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










