Lider ng local terrorist group at kapatid nito, patay sa ikinasang law enforcement operation sa South Cotabato

5322

Napatay sa ikinasang law enforcement operation ng militar at pulisya ang lider ng local terrorist group at kasama nito sa Barangay Lamsugod, Surallah, South Cotabato kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command, ang nasawing lider ay si Jeoffrey Nilong, alyas “Momoy”.

Ikinasa ng mga tauhan ng 5th Special Forces Battalion at Surallah Municipal Police Station ang operasyon kahapon at habang papalapit sa area ng mga terorista ay agad silang pinaputukan.

Gumanti ng putok ang tropa ng pamahalaan dahilan ng pagkamatay ng lider na si Jeoffrey at kapatid nitong si Amen Nilong na miyembro rin ng local terrorist group.

Ayon naman kay Major General Juvymax Uy, Joint Task Force Central Commander, na ang grupo ni Jeoffrey Nilong ay responsable sa serye ng pagsabog sa Maguindanao at Sultan Kudarat.

Narekober sa lugar ng mga terorista ang apat na improvised explosive devices at mga gamit sa paggawa ng bomba.

Tiniyak naman ni Major Gen. Uy na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga local terrorist group sa lugar.




Facebook Comments