Tuesday, June 9, 2026

LIDERATO AT PAGSULONG SA KAPAKANAN NG HANAY NG PULISYA, PINALALAKAS SA PANGASINAN

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng liderato at pagsusulong ng kapakanan ng mga tauhan ng pulisya, nagsagawa ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO), ng isang “Talk to Men” session kasama ang mga tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company (2nd PMFC) sa Tayug, Pangasinan.

Naging mahalagang pagkakataon ang aktibidad upang personal na makausap ni PANGPPO Provincial Director, PCOL Dennis De Leon ang mga tauhan, pakinggan ang kanilang mga saloobin at pangangailangan, at higit na maipaliwanag ang mga polisiya, programa, at prayoridad sa operasyon ng Pangasinan PPO.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ang kahalagahan ng disiplina, propesyonalismo, pananagutan, at pagsunod sa mga pangunahing pagpapahalaga ng Philippine National Police sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.

Hinimok din niya ang mga tauhan na manatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang lingkod-bayan at patuloy na itaguyod ang mataas na antas ng integridad at kahusayan sa kanilang serbisyo.

Aniya, sa pamamagitan ng bukas na komunikasyon, matatag na pamumuno, at sama-samang dedikasyon, mas epektibong maisasakatuparan ng kapulisan ang mandato nito at mapananatili ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments