
Naniniwala si Senate President Chiz Escudero na nagawa at nagampanan nila ang kanilang tungkulin sa pag-convene bilang impeachment court.
Ayon kay Escudero, hindi siya masaya o malungkot sa mga nangyari pero naninindigan siyang nagawa nila ang kanilang trabaho ng maayos at matiwasay ng sang ayon sa tamang proseso.
Sa kabila aniya ng matataas na emosyon kagabi ng mga senator-judges, sa huli ay nalampasan naman nila iyon at nagampanan ang mandato ng Senado at impeachment court ng matiwasay at naayon sa batas.
Aminado si Escudero na bagamat magkakaiba ng pananaw ang mga senator-judges at hindi nagkakasundo sa ilang bagay, lahat naman ito ay pinag-uusapan at pagdating sa dulo pinagbobotohan.
Lahat ng ito aniya ay iginagalang ng buong impeachment court.
Matatandaang kagabi ay pinagbotohan at mayorya ng mga senator-judges ay sumang-ayon na ibalik sa Kamara ang articles of impeachment laban kay VP Sara kung saan kailangang i-certify ng prosekusyon na wala silang nilabag na probisyon sa saligang batas patungkol sa one-year ban at makapaglalabas sila ng resolusyon na ipagpapatuloy ng 20th Congress ang impeachment case laban kay VP Sara.