Life insurance ng mga government medical workers, aabot ng P2 million

Aabot sa P2 million ang life insurance na pwedeng matanggap ng pamilya ng isang government medical frontliner na masasawi dahil sa COVID-19.

Ito ay matapos dagdagan ng Government Service and Insurance System (GSIS) ang life insurance ng mga medical workers ng gobyerno ng P500,000.

Sa ginawang virtual meeting ng Defeat COVID-19 Committee (DCC) ng Kamara, inihayag ni GSIS President and General Manager Rolando Ledesma Macasaet na itinaas nila ang life insurance ng mga medical frontliner members base sa kanilang buwanang sahod.


Ayon kay Macasaet, dinagdagan pa nila ng P500,000 ang life insurance ng mga medical frontliners.

Ang life insurance ng mga ito ay umaabot ng P300,000 hanggang P500,000 depende sa monthly compensation, iba pa ito sa idadagdag na halagang P500,000.

Ibig sabihin, sakaling masawi ang isang government medical frontliner dahil sa COVID-19, mayroong matatanggap ang naiwang pamilya na P800,000 hanggang P1million na life insurance.

Dagdag ni Macasaet, bukod pa rin ito sa nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act na bagong insurance policy na P1 milyon para sa pamilya ng health worker na masasawi sa COVID-19 kaya sa kabuuan ay maaaring umabot ng P2 milyon ang insurance na matatanggap ng mga ito.

Facebook Comments