
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsusumikap ng Lokal na Pamahalaan ng Cabagan na tiyakin ang kaligtasan at kalinisan ng inuming tubig sa mga paaralan at establisyemento sa bayan.
Sinuri ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang kalidad ng bagong filtration system ng Candanum Integrated School.
Kumuha ng water sample ang MENRO at isinailalim ito sa bacteriological analysis kung saan lumabas sa resulta na negatibo sa Total Coliform at E. coli ang sample na nangangahulugang ligtas ito para inumin.
Bukod dito, nagsagawa rin ng pagsusuri ang MENRO sa isang bagong bukas na water refilling station sa Barangay Luquilu na pinangunahan ni Sanitation Inspector Oscar Zipagan ang demonstrasyon ng tamang paraan ng pagkuha ng sample para sa bacteriological testing.
Sa tuloy-tuloy na inisyatiba ng lokal na pamahalaan, nananatiling matatag ang paninindigan ng Pamahalaang Bayan ng Cabagan na mabigyan ang bawat residente ng malinis at ligtas na inuming tubig.