
Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga electric buses na idinisensyo para sa mga persons with disabilities (PWD).
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may access at ligtas na pampublikong transportasyon para sa mga may kapansanan, kasunod ng viral video ng isang PWD na sinaktan ng mga kapwa pasahero sa bus.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na ang proyektong nakapaloob sa Sustainable Livelihood Program’s (SLP) Persons with Disabilities – Electric Transportation Service (PWD-ETS), kung saan binibigyan ng livelihood grants ang PWDs sa SLPAs para bumili ng electric vehicles na disability-friendly.
Ibig sabihin, bukod sa makatutulong ito sa kanilang pagbiyahe, kasama rin ang mga PWDs sa pamamahala nito kung saan maaari silang kumita habang natutulungan ang mga may kapansanan.
Ang mga e-bus ay may CCTV at may rampa at malaking espasyo para sa mga naka-wheelchair.
Sa ngayon, ginagamit ang mga e-buses bilang corporate shuttle ng mga private companies sa Taguig pero ayon kay Gatchalian, target nilang palawakin at paramihin pa ito hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang lugar.