Lockdown sa buong probinsya ng Rizal, ipapatupad simula bukas

Simula bukas, April 6, magpapatupad na ng lockdown sa buong Probinsya ng Rizal.

Ayon kay Acting Governor Reynaldo San Juan Jr., epektibo ang lockdown alas 8:00 ng umaga bukas at tatagal hangga’t kinakailangan. Ipapatupad sa probinsya ng kaparehong panuntunan at exemptions na pinaiiral ng National Government sa ilalim ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine.

Ibig sabihin, exempted sa paghihigpit ang mga health workers, emegerncy frontliners, government workers, diplomats, media personnel, religious ministers at mga empleyadong bahagi ng skeleton workforce ng mga negosyong may kaugnayan sa basic services at commodities, BPO at hotel industry. Pero ayon kay San Juan, kailangan pa rin nilang sumailalim sa mandatory thermal scanning.


Samantala, malaya rin makakapasok sa Rizal ang mga cargo trucks at mga sasakyang nagdadala ng pagkain at farm inputs.

Magtatalaga rin sila ng express lane para sa mga donasyon para sa mga frontliners at ospital gayundin para sa mga nangangailangan ng atensyong medikal.

Suspendido rin ang mass public transportation kaya maglalaan ng shuttle ang Local Government para sa mga frontliners. Mahigpit din ipapatupad ang 24-hour curfew.

Tiniyak naman ni San Juan na tuloy-tuloy ang pamimigay nila ng ayuda. Noong biyernes, sumampa na sa 106 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Rizal, 18 rito ang namatay.

Facebook Comments