Plano ng lokal na pamahalaan ng Maynila na kumonsulta muna sa mga medical frontliners at mga mall owner hinggil sa rekomendasyon na muling pagbubukas ng sinehan, theme parks, arcades at mga museum.
Ayon kay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, pinag-aaralan na nila ang nasabing rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa pagluluwag ng restriction sa mga nabanggit na lugar.
Sinabi ni Moreno na dapat na marinig ang mga paliwanag ng mga medical expert mula sa Manila Health Department at kailangan malaman rin ang magiging epekto nito.
Iginiit pa ng alkalde na kailangan ng masusing paghahanda at responsibilidad kung saan hindi maaari ang biglaan lalo na’t kalusugan ng bawat isa ang nakasalalay.
Dagdag pa ni Moreno, bukas naman sila sa ideya hinggil sa muling pagbababalik-operasyon ng mga sinehan lalo na’t magkakaroon ng oportunidad na muling makapaghanapbuhay ang mga nawalan ng trabaho.
Pero itinuturing niya na malaking hamon ito para sa kanila lalo na kung hindi mapapag-aralan at hindi maipa-plano ng maayos.
Sa kabila nito, sinisiguro ni Moreno sa publiko na patuloy ang kanilang suporta upang makaahon ang business sector na lubhang naapektuhan dahil sa COVID-19 pandemic.