Lokal na pamahalaan ng Maynila, naki-isa sa ika-34 taon na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution

80

Naging tahimik ang ika-34 taon na anibersaryo ng Edsa People Power Revolution sa Lungsod ng Maynila.

Hindi tulad noong nagdaang taon, wala pa ding ginaganap na anumang kilos protesta o programa ang mga anti at pro-administration.


Naki-isa naman ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa selebrasyon ng EDSA People Power Revolution kung saan nag-alay sila ng bulaklak sa bantayog nina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino sa Padre Burgos sa Ermita, Maynila.

Sa isang pahayag, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na nakikibahagi ang lungsod sa paggunita ng mapayapang himagsikang nagpalaya sa ating bayan, bilang pagtukoy sa People Power Revolution.

Samantala, todo bantay pa rin ang ilang tauhan ng Manila Police District sa may bahagi ng Mendiola sa inaasahang rally ng ilang mga militanteng grupo kaugnay sa okasyon ngayong araw.

Kabilang din sa binabantayan ng MPD ay ang Liwasang Bonifacio sa Lawton, España at Quiapo dahil sa maaari daw magkaroon ng biglaang kilos protesta.

Hangad din ng Manila Police District na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ngayong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution habang nakatutok din ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa mga gagawa ng iligal na aktibidad tulad na lamang ng vandalism at iba pa.

Facebook Comments