
Cauayan City – Patay ang isang 62-anyos na lolo matapos ma hit-and-run habang lulan ng bisikleta sa Barangay Mungo, Tuao, Cagayan ngayong araw, May 20, 2025.
Batay sa ulat ni Chito Baligod, pinuno ng Task Force Lingkod Bayan at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Tuao, nangyari ang insidente pasado alas-5 ng umaga, at agad nilang nirespondehan matapos makatanggap ng tawag mula sa concerned citizens.
Ayon kay Baligod, papalabas ng national highway ang biktima sakay ng kanyang bisikleta nang bigla siyang masalpok ng isang van.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan. Inireklamo rin nito ang matinding pananakit ng dibdib bago agad isinugod sa pagamutan, subalit idineklarang dead on arrival.
Matapos ang insidente, agad umanong tumakas ang driver ng van at iniwan ang biktima sa lugar.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang pagkakakilanlan ng tumakas na driver gamit ang kuha ng CCTV sa paligid ng pinangyarihan ng insidente.