
Nagkasundo na ang Land Registration Authority (LRA) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) para pahusayin pa ang kanilang proseso ng regulasyon upang makapagbigay serbisyo sa publiko.
Naniniwala ang dalawang ahensiya ng pamahalaan na ang kanilang pagpupulong ay malaking maitutulong para mas mapahusay pa ang kanilang paglilingkod.
Napagkasunduan ng dalawang ahensiya ng pamahalaan ang agarang pagbibigay aksyon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino.
Matatandaan na noong Nobyembre 2024, nakatanggap ang ARTA ng kabuuang 895 reklamo laban sa LRA, kung saan 332 dito ay mga concern na nauugnay sa ARTA na dapat agad na mabigyan ng kaukulang aksyon o tugon.
Inilatag din ng LRA ang kanilang tinatawag na “Consulta” process flow, isang proseso ito kung saan ang Register of Deeds ay nagre-refer ng Legal na usapin hinggil sa pagpaparehistro ng lupa sa ahensiya.
Sa kanilang pagpulong iminungkahi rin na isama sa na-update na citizen charter ng LRA ang “Consulta” process flow na isusumite naman sa darating na Marso 2025.
Plano ng dalawang ahensiya na magbuo ng technical working group para sa streamlining process ng LRA.