LTFRB, inisyuhan ng show cause order ang pitong bus terminal sa Pasay City

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pitong bus terminals sa Pasay City king bakit di sila dapat patawan ng parusa sa hindi-pagsunod sa kasalukuyang regulasyon/standards bago sila makapag-resume o makapagpatuloy ng operasyon.

Kabilang sa inisyuhan ng show cause order ay ang:

1. HK Sun Plaza Terminal
2. DLTB Terminal
3. JAC Liner Terminal
4. BBL Transit Terminal
5. JAM Liner Terminal
6. Genesis Terminal
7. Philtranco Terminal

Una rito, sinita ang mga nabanggit na bus terminal dahil sa hindi pagsunod sa iba’t ibang requirement, gaya ng hindi pagkakaroon ng maayos na pasilidad, walang valid permit o dokumento, o bigong makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Pasay.

Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz, importante ang kapakanan at kaligtasan ng mga pasahero, kaya dapat mapatunayan ng bus terminals na kaya nilang mag-operate nang maayos at tumatalima sa batas.

Dapat ding magsumite sila ng letter of intent, updated na permit, sworn statement ng available amenities at iba pa.

Ang terminal operators ay binigyan ng 5-calendar days mula sa araw na matanggap ang show cause order upang magpaliwanag.

Magsasagawa naman ang LTFRB ng follow-up inspection matapos ang submission ng mga kinakailangang dokumento, upang matukoy kung dapat na bang mag-reopen ang bus terminals.

Facebook Comments