LTFRB, kinalampag sa paglipana ng mga colorum na sasakyan na sinasamantala ang Undas

Agad na kumilos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para aksyunan ang pananamantala ng ilang colorum na sasakyan na sobrang taas ng pamasahe sa mga naghahabol na makauwi sa probinsiya para sa Undas.

Nakapuwesto ang mga colorum na sasakyan sa harap ng Five Star bus terminal sa EDSA, Cubao.

Lumilitaw na ang singil ng mga colorum sa kada pasahero para sa biyaheng Dau, Pampanga ay P500, sa Tarlac P700, Pangasinan P1,700.


Ayon sa LTFRB,nakipag-coordinate na sila sa Inter-Agency Council for Traffic (IACT) para ikutan ang Cubao area at hulihin ang mga colorum na sasakyan.

Nauna rito, inanunsyo ng Araneta bus terminal na sarado ang kanilang operasyon kasunod ng pagsasara ng mga sementeryo sa Undas bilang pag-iingat sa COVID-19.

Facebook Comments