LTFRB, tiniyak na walang mangyayaring taas-pasahe kasabay ng pagbabalik biyahe ng mga provincial buses

10207

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang ipatutupad na taas pasahe kasabay ng muling pagbabalik operasyon ng mga provincial buses sa Miyerkules, September 30.

Nasa 12 modified provincial bus routes sakop ang 286 units ang inaasahang bibiyahe palabas ng Metro Manila patungo sa mga kalapit na probinsya partikular sa Central Luzon at CALABARZON.

Ayon kay LTFRB Technical Division Head Joel Bolano, ang pamasaheng sisingilin ay mananatili.

Bago sinuspinde ang operasyon ng mga bus noong Marso, ang ordinaryong provincial buses ay mayroong minimum fare na 9 pesos at nasa ₱1.55 ang dagdag sa mga susunod na kilometro.

Para naman sa air-conditioned buses, nasa ₱1.75 ang dagdag sa mga susunod na kilometro, ₱1.85 para sa deluxe, ₱1.95 para sa super deluxe at ₱2.40 naman para sa luxury buses.

Ang mga modified routes sa ilalim ng provincial buses ay ang mga sumusunod:

  1. San Fernando, Pampanga – Araneta Center, Cubao, Quezon City
  2. Batangas City, Batangas – Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX)
  3. Lemery, Batangas – PITX
  4. Lipa City, Batangas – PITX
  5. Nasugbu, Batangas – PITX
  6. Indang, Cavite – PITX
  7. Mendez, Cavite – PITX
  8. Tagaytay City, Cavite – PITX
  9. Ternate, Cavite – PITX
  10. Calamba City, Laguna – PITX
  11. Siniloan, Laguna – PITX
  12. Sta. Cruz, Laguna – PITX

Paglilinaw ng LTFRB, hindi maaaring magbaba o magsakay ng pasahero sa pagitan ng mga inaprubahang ruta maliban na lamang kung may itinalagang stop-over points o terminals.




Pinayuhan ng LTFRB ang mga pasahero na bumili nang maaga ng kanilang mga ticket.

Kabilang na rito ang travel pass na inisyu ng Philippine National Police (PNP) kung saang lugar sila nanggaling, valid identification card at iba pang dokumentong hinihingi ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Kailangan din ng written consent para matiyak na ang mga pasahero ay sang-ayon na sumailalim sa COVID-19 testing o quarantine sa mga terminal at end-point destination sakaling hingan sila ng Local Government Unit (LGU).

Facebook Comments