Wednesday, June 10, 2026

Mabagal na pagpapatayo ng classroom sa kabila ng bilyon-bilyong pondo na unang ipinanawagan ng mga guro, planong imbestigahan

Plano ngayon ni Sen. Bam Aquino na imbestigahan ang mabagal na pagpapatupad ng P67-bilyong pondo na kanyang isinulong na maisama sa 2026 para sa pagpapatayo ng 25,000 silid-aralan.

Ito ang naging mensahe ng senador bilang tugon sa panawagan ng mga grupo ng guro na nagsagawa ng kilos protesta noong Lunes sa Mendiola, Maynila.

Matatandaan na sinalubong ng mga guro ng kilos protesta ang pagbubukas ng klase sa Maynila dahil hindi nasolusyunan ang problema sa kakulangan ng classroom sa bansa.

Sa pagbabalik ni Sen. Bam bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, prayoridad nito na imbestigahan ang nasabing isyu na taon-taon na lang nagiging problema.

Bukod dito, inilatag rin ng senador ang mga pangunahing repormang nais niyang isulong upang makatulong sa pagtugon sa krisis sa edukasyon sa bansa, kabilang ang classroom backlog na aabot sa 166,000 at mga programang kalusugan para sa mga estudyante.

Kasabay nito, nanawagan si Aquino sa gobyerno na madaliin ang paglabas ng pondo para sa pagsasaayos ng higit 1000 mga silid-aralan sa mga lugar na napinsala ng Magnitude 7.8 earthquake sa Mindanao.

Facebook Comments