Mabagal na usad ng AFP modernization, pinuna ng mga Senador

52

Sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 budget para sa Department of National Defense (DND) ay pinuna nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo “Ping” Lacson ang mabagal na usad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program.

Sa tingin ni Drilon, napag-iiwanan na ang mga kagamitan at assets ng AFP kumpara sa ibang bansa dahil sa mabagal na implementasyon nito ng mga programa.

Inihalimbawa ni Drilon ang kabiguang ipatupad ang P9.4 billion na halaga ng proyekto para sa AFP kung saan P16 billion lamang mula sa P25 billion na pondo sa ilalim ng 2019 project ang naisakatuparan nito.

Diin naman ni Senator Lacson, atrasado ang AFP Modernization Program dahil sa kakulangan ng pondo mula sa national government, tulad ngayong taon na kinaltasan ito ng 8-billion pesos habang noong nakaraang taon ay binawasan naman ito ng 9.48-billion pesos.

Ayon kay Lacson, base sa batas ay 419.3 billion pesos ang dapat na budget para sa AFP Modernization Program pero hanggang ngayong ay nasa 133 billion pesos pa lamang ang naibubuhos dito.

Samantala, sa budget hearing ay sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi nakonsulta ang DND kaugnay sa 8.2 billion pesos na bahagi sana ng 2021 budget nito pero napunta sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pagsusuri ni Lacson, 28-billion pesos ang hiling ng DND para sa infrastructure projects nito pero 7.51 billion pesos lang ang ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM).




Ang nabanggit na halaga, ayon kay Lacson ay kasama sa isiniwalat niyang 396-billion pesos na lump sum sa DPWH budget sa ilalim ng proposed 2021 national budget.

Facebook Comments