Macacua, nanawagan ng pagkakaisa sa stakeholders ng BARMM bago ang parliamentary election sa Oktubre

Nanawagan si Chief Minister Abdulraof Macacua sa lahat ng stakeholder sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na kalimutan ang hidwaang bunga ng nakaraang midterm elections at magtulungan upang matiyak ang maayos at mapayapang halalang parliyamentaryo sa darating na Oktubre.

Ang panawagan ni Macacua ay kasabay ng paghahanda ng rehiyon para sa kauna-unahang halalang pang-rehiyon kung saan ihahalal
ang bagong chief minister at mga miyembro ng BARMM Parliament.

“Sa darating na halalan ngayong Oktubre, hinihikayat namin ang lahat ng stakeholder ng Bangsamoro na magkaisa at makipagtulungan sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan upang matiyak na hindi na muling mangyari ang kaguluhan at karahasan na nasaksihan noong kampanya at araw ng halalan ng midterm elections,” ani Macacua.

Layon ng pahayag ng punong ministro na tugunan ang lumalaking pangamba ng publiko hinggil sa mga insidente ng karahasan na may kaugnayan sa eleksyon at linawin ang posisyon ng pamahalaan ukol sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng halalan.

Binigyang-diin ni Macacua na ang maayos na transisyon ng pamumuno at ang pagpapanatili ng integridad ng prosesong elektoral ay nananatiling pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon. Muling tiniyak ng lider na naninindigan ang BARMM sa pagpapalakas ng demokratikong pamahalaan habang pinangangalagaan ang awtonomiya nito.

Habang papalapit ang halalan, mas pinaiigting ng mga lider relihiyoso sa rehiyon ang kanilang kampanya laban sa rido o mga alitang angkan na patuloy umanong banta sa katatagan ng mga pamayanan at kaligtasan ng mga sibilyan.

Ayon sa mga ulat, ang rido — na kadalasang ugat ay alitan sa lupa, tunggalian sa pulitika, at matagal nang alitan ng pamilya — ay isa sa pangunahing sanhi ng karahasan at sapilitang paglikas sa rehiyon.

Kinilala ng United Nations Development Programme ang rido bilang malaking hadlang sa kapayapaan sa BARMM.

Tinalakay din ni Macacua ang nagpapatuloy na proseso ng decommissioning o hindi na pagiging armadong pwersa ng mga dating kasapi ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), na isa sa mga mahalagang bahagi ng usapang pangkapayapaan.

“Ang Bangsamoro Islamic Armed Forces ay kasalukuyang dumadaan sa proseso ng decommissioning, at bahagi rin ako ng prosesong ito. Kailangan itong isakatuparan. Hanggang ngayon, hindi pa ako tuluyang nade-decommission. Ngunit tiyak na lalahok ako sa prosesong ito,” ani Macacua.

Samantala, sinabi ni Atty. Benedicto Bacani, Executive Director ng Institute for Autonomy and Governance at pangunahing convenor ng Integrated Electoral Monitoring Committee (IEMC), na maglalabas ng mga rekomendasyong polisiya ang kanilang grupo upang matiyak ang mas kapani-paniwala, ligtas, at mapayapang halalan sa hinaharap, batay sa kanilang obserbasyon sa mga nagdaang eleksyon.

“Ang tinitingnan natin ay kung maaari bang magpatupad ng mga preemptive na polisiya. Halimbawa, hindi legal ang pagtitipon o pagdagsa ng mga taong hindi naman botante sa mga voting centers,” ani Bacani.

Ibinahagi naman ni Ret. Colonel Dickson Hermoso, isang security consultant ng IEMC, na karamihan sa mga insidente na kanilang na-monitor noong Mayo 12 na halalan ay may kinalaman sa pananakot, pamimilit, pagpapakita ng pwersa ng mga kalabang kampo, at paggamit ng armadong grupo.

Facebook Comments