
Cauayan City – Nakaranas ng ubo at sipon ang ilang mag-aaral sa Buena Suerte Elementary School bunsod ng pabago-bagong klima.
Ilan sa kanila ay pansamantalang hindi nakadadalo sa klase upang makapagpahinga at makaiwas sa mas matinding karamdaman.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay School Principal Agacer, agad namang nirereport ng mga magulang sa paaralan ang kondisyon ng kanilang mga anak at ine-excuse naman nila kaagad para maiwasan na rin ang hawaan sa ibang estudyante.
Ipinaalala ng pamunuan ng paaralan na mahalagang alagaan ang kalusugan ng mga bata, lalo na sa ganitong panahon ng pabago-bagong klima.
Pinayuhan din nila ang mga magulang na siguraduhing malakas at handa na sa klase ang kanilang mga anak bago sila pabalikin sa paaralan.
Patuloy namang pinaaalalahanan ang lahat ng mag-aaral na sumunod sa tamang kalinisan at palakasin ang resistensya sa pamamagitan ng tamang pagkain at sapat na pahinga.