Mag Asawang Dy, Dinakip Dahil sa Patong-Patong na Kaso

1217

Cauayan City, Isabela- Hindi na nakapalag ang mag-asawang negosyante sa mga awtoridad matapos itong dakpin sa bisa ng mandamiento de aresto na inilabas ng hukuman dahil sa kasong 55 counts ng falsification of commercial documents.

Base sa report na nakalap ng 98.5 iFM Cauayan, nahuli ang mag asawang negosyante na residente sa lungsod ng Cauayan partikular sa District 1 na sina Cyril at Elilord Dy.

Sila ay dinakip mismo sa barangay Dist. 3, Gamu, Isabela matapos na isilbi ang warrant of arrest ng mga ito na inilabas ni hukom Michelle Gumpal-Videz ng MTC Echague dahil sa nasabing mga kaso.

Ang pag-aresto ay pinanguhan mismo ni PLt. Col. Dennis Pamor, pinuno ng Intelligence branch ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at si PCapt. Arvin Jay Lacambra ng Regional Intelligence Unit ng PNP Region 2 sa pakikipag tulungan ng PNP Cauayan, Echague, at Gamu.

Nabatid na ang mag-asawang Dy na Wanted sa batas ay hindi kamag-anak ng mga politikong Dy ng lalawigan ng Isabela.

Sa ngayon ay nasa pag-iingat pa rin ng PNP Cauayan ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon bago ipresinta sa hukuman.

Facebook Comments