
Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2838 o ang Magna Carta of Barangay Health Workers (BHWs) sa botong 19 na pabor at wala namang tutol.
Sa ilalim ng panukala ay pinapahusay pa ang pagbibigay proteksyon at benepisyo sa lahat ng mga BHWs sa buong bansa.
Kabilang sa mga key provisions ng panukala ay pagbibigay ng dagdag na monthly honoraria, transportation allowance, subsistence allowance, hazard pay, insurance coverage, health emergency allowance sa panahon ng public health emergency, cash gift, one time service recognition incentive, education and career advancement at libreng legal services.
Saklaw ng mga benepisyong ito ang lahat ng volunteer registered at certified BHWs sa buong bansa.
Tinukoy ni Senator JV Ejercito, may-akda ng panukala sa Senado, na nararapat lamang na magkaisa ang mga mambabatas para kilalanin ang mga sakripisyo at pagsisikap ng mga barangay health workers na siyang naging extension ng Department of Health (DOH) sa mga komunidad lalo na noong panahon ng pandemya.