
Kinondena ng ilang lider ng transport group ang umano’y iresponsableng pahayag nina Ka Obet Martin, Boy Vargas at Marlyn Ramos sa panawagang patalsikin sina Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III at Regional Director Zona Tamayo.
Ito ay kasunod ng isinagawang press conference kamakailan tungkol sa Public Transport Modernization Program.
Ayon kay Ka Lando Marquez, pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), layunjn ng isinagawang pulong balitaan na ipanawagan ang pagpapalakas ng ilang programa kabilang na ang loan moratorium, dagdag na equity subsidy, pagbaba ng fuel subsidy threshold, at karagdagang pondo para sa service contracting program.
Wala raw sa plano ang anumang panawagang pagbibitiw ng mga opisyal ng LTFRB at tinawag nila itong walang basehan, opportunistic at makasarili na layon umanong guluhin ang reporma at pigilan ang pag-unlad ng PTMP.
Dahil dito, wala raw aasahang suporta mula sa kanila ang anumang banta ng strike o panawagan para sa pagbaba sa puwesto nina Guadiz at Tamayo.
Inanunsiyo rin nila ang pagtiwalag sa grupong dating kinilala bilang “Magnificent 7” na nagamit lamang daw bilang personal na organisasyon ng mga indibidwal na piniling itaguyod ang gulo sa halip na solusyon.
Sa kabila nito, isang national organization aniya ang binuo na kabibilangan na ng mga kinatawan mula sa sektor ng tricycle operators, truckers at mga bus operators.









