Magsasaka, Patay matapos Bugbugin ng kanyang Kapitbahay

10

Cauayan City, Isabela-Patay sa pambubugbog ng sariling kapitbahay ang isang magsasaka sa Brgy. Divisoria, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Presinto Uno ng Santiago City Police Office (SCPO), kinilala ang biktima na si Cinilo Ordanza, 57-anyos, may-asawa habang ang suspek ay nakilalang si Cristobal Ordanza, 30-anyos, isang magsasaka at kapwa residente sa nasabing lugar.


Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, galing ang biktima mula sa maghapong pagsasaka at mataas umano ang tono ng boses habang tinatawag ang kanyang asawa kung kaya’t nainis ang suspek na nakatira malapit sa kanilang bahay at agad na pinagsusuntok ang biktima.

Dahil sa insidente, nagtamo ng matinding sugat sa batok at likurang bahagi ng ulo ang biktima.

Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng sumuring duktor.

Sa inisyal na ulat, posibleng nagkaroon ng internal hemorrhage o malubhang pagdurugo sa loob ng ulo ng biktima ang sanhi ng pagkamatay nito.



Nabatid na may dati ng alitan sa lupa ang suspek at biktima na posibleng na nakadagdag umano sa galit ng suspek kaya nagawa ang pambubugbog.

Facebook Comments