MAHIGIT 300 ILEGAL NA ISTRUKTURA, TINANGGAL SA ILOCOS REGION SA GITNA NG PINAIGTING NA OPERASYON NG PRO1

Mahigit 300 ilegal na istruktura at iba pang sagabal sa kalsada at pampublikong lugar ang natukoy at tinanggal ng Police Regional Office 1 (PRO1) sa buong Rehiyon 1 ngayong Oktubre.

Batay sa ulat ng PRO1, umabot sa 309 katao ang nahuli dahil sa pagtatayo ng mga istrukturang walang kaukulang pahintulot, bilang bahagi ng pinaigting na operasyon para sa kaayusan at kaligtasan ng mga lansangan.

Kaugnay nito, ipinagpatuloy rin ng mga awtoridad ang operasyon laban sa iba pang paglabag sa lokal na ordinansa, kabilang ang paggamit ng karaoke lampas sa itinakdang oras at paglabag sa curfew ng mga menor de edad.

Nakapagtala rin ang PRO1 ng kabuuang ₱20.8 milyon na multa mula sa lahat ng paglabag sa batas at ordinansa sa buong rehiyon.

Ayon sa PRO1, patuloy ang kanilang kampanya laban sa mga istrukturang nagdudulot ng abala at panganib sa mga kalsada upang matiyak ang kaligtasan at maayos na daloy ng trapiko sa mga komunidad.

Facebook Comments