Mahigit 3,600 na mga indibidwal naaresto sa gun ban —PNP

Sa pagtatapos ng gun ban kahapon kaugnay ng nakalipas na Midterm National at Local Elections, umabot sa 3,616 katao ang naaresto at 3,702 na baril ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng mahigpit na pagpapatupad ng nationwide gun ban.

Batay ito sa pinakahuling ulat ng National Election Monitoring and Action Center ng PNP.

Naaresto ang mga gun ban violators sa Commission on Elections o COMELEC checkpoints at iba pang law enforcement operations sa buong bansa mula January 12, 2025 hanggang kahapon, June 11, 2025.

Sa kabuuang bilang ng mga naaresto, 3,462 ay mga sibilyan; 61 security guards; 16 foreign nationals ; 21 PNP personnel , 19 ay sundalo; 14 elected government official, walo ay Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU; pito ay kasapi ng law enforcement agency; tatlong children in conflict with the law; tatlo ay mula sa mga communist terrorist group at dalawang appointed government officials.

Naitala sa Metro Manila ang pinakamataas na huli, na sinundan ng Region 3 , Region 7 at Region 4A.

Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, bagama’t natapos na ang gun ban, hindi dito nagtatapos ang trabaho ng PNP.

Aniya, patuloy ang kanilang kampanya para sa kapayapaan at kaligtasan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng operasyon laban sa krimen.

Facebook Comments