Mahigit 37,000 pulis, ipinakalat sa pagbubukas ng klase ngayong araw

Mahigit 37,000 pulis ang ipinakalat ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa ngayong Lunes, Hunyo 16, kasabay ng pagbubukas ng klase sa libu-libong paaralan.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuaño, kabuuang 37,740 police personnel ang itinalaga upang tiyaking ligtas at maayos ang unang araw ng pasukan sa 45,974 paaralan sa bansa.

Bilang bahagi ng pinaigting na police visibility, nagtayo ang PNP ng 5,079 Police Assistance Desks malapit sa mga paaralan na tatauhan ng 10,759 pulis para tumulong sa mga estudyante, magulang, at school staff.

Dagdag pa rito, 10,687 pulis ang itinalaga sa mobile patrols, habang 16,366 naman ang magbabantay sa pamamagitan ng foot patrols, lalo na sa mga lugar na itinuturing na critical zones.

Kasunod nito, tiniyak ng Pambansang pulisya na nakipag ugnayan na sila sa Department of Education (DepEd), local government units, at iba pang ahensyang katuwang para sa maayos at ligtas na pagbubukas ng klase.

Facebook Comments